Ibinasura ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang hiling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na muling ihain at baguhin ng prosekusyon ang mga sakdal laban sa kanya, ngunit pinayagang manatili sa kaso ang pito sa walong karagdagang insidente.
Sa desisyong inilabas noong Oktubre 9, sinabi ng Chamber na wala itong kapangyarihang obligahin ang prosekusyon na muling ihain sa Pre-Trial Chamber I ang mga kumpirmadong sakdal ng crimes against humanity of murder at attempted murder.
Tinanggihan din ng mga hukom ang argumento ng depensa na pabago-bago at halos walang hanggan ang saklaw ng mga alegasyon. Ayon sa Chamber, may mga umiiral nang pananggalang sa proseso, kabilang ang itinakdang deadline para sa pagsusumite ng mga karagdagang insidente at mga dokumento ng paglilitis.
Gayunman, iniutos ng Chamber na alisin ang Incident 57 dahil lumampas ito sa panahong saklaw ng Count 2. Inatasan ang prosekusyon na i-update ang listahan ng mga testigo, ebidensya at trial brief bago o sa Oktubre 16 upang maipakita ang pagbabago.














