-- Advertisements --

Umaasa ang Philippine Society of International Law (PSIL) na aanib na muli sa International Criminal Court (ICC) ang Pilipinas.

Ito ay bilang pagtalima at pagtaguyod ng PH government sa mga responsibilidad nito sa international community.

Ayon kay PSIL trustee, Atty. Romel Bagares, panahon na para bumalik ang Pilipinas sa international tribunal at maging mas aktibo sa pagprotekta at pagsusulong sa mga prinsipyo at hangarin ng naturang korte.

Kabilang dito ang pagprotekta sa karapatang pantao, pagpapanagot sa mga lider o malalaking personalidad na nanunupil sa karapatan ng mga mamayan, at posibilidad ng pagpigil sa impunity o kawalan ng pananagutan.

Ayon sa abogado, nasa kapangyarihan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang pag-initiate at pagsusulong sa muling pag-anib ng bansa sa ICC, anumang araw.

Binalikan din ng batikang abogado ang pagkakahuli ni dating Pang. Rodrigo Duterte at tuluyang pagsurender sa kaniya sa tribunal upang harapin ang kaniyang kasong crimes against humanity.

Isa itong patunay aniya ng lawak ng kapangyarihan ng ICC at ang papel nitong panagutin ang mga lider na inaakusahang gumawa ng mga karumal-dumal na krimen.