Pinayagan ng International Criminal Court (ICC) na maisama ang pitong karagdagang insidente sa crimes against humanity case laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ngunit inalis ang isa dahil lumampas ito sa panahong saklaw ng kumpirmadong sakdal.
Sa desisyong may petsang Oktubre 9, ibinasura ng ICC Trial Chamber III ang hiling ng depensa na obligahin ang prosekusyon na muling ihain ang dokumento ng mga sakdal.
Ayon sa Chamber, sapat ang mga naunang dokumento upang maihanda ni Duterte ang kanyang depensa.
Kabilang sa mga pinayagang insidente ang umano’y pagpatay sa high-value targets at mga krimeng may kaugnayan sa barangay clearance operations. Gayunman, inalis ang Incident 57 dahil lumampas ito sa panahong saklaw ng Count 2, na tumutukoy sa mga umano’y krimeng naganap mula Hulyo 2016 hanggang Hulyo 2017.
Inatasan ng Chamber ang prosekusyon na i-update ang listahan ng mga testigo, ebidensya at trial brief bago o sa Oktubre 16 upang alisin ang nasabing insidente.
Nilinaw na ang desisyon ay tumutukoy lamang sa saklaw ng mga sakdal at hindi pa paghatol sa pagkakasala o kawalang-sala ni Duterte.
















