-- Advertisements --

Nilinaw ng kampo ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ang kontrobersiya sa kondisyon ng dating tanggapan ng Senate President Pro Tempore na kanyang iniwan matapos ang turnover ng opisina.

Sa pahayag na isinapubliko ni Estrada sinabi nitong mula sa sarili niyang pondo ang ginamit sa karamihan ng fixtures at materyales sa opisina, kabilang ang floor tiles, glass panels, lighting fixtures at cabinets, dahil hindi sapat ang budget na inilaan ng Senado.

Sinabi rin ng kampo ni Estrada na bahagi ng karaniwang proseso sa Senado ang pag-renovate ng opisina at muling paggamit ng mga materyales sa bagong tanggapan. Iginiit nilang walang nasayang na pondo ng publiko at naipaliwanag na ang usapin sa resident COA auditor.

Samantala, itinanggi ni dating Senate President Pro Tempore Ping Lacson ang pahayag hinggil sa kondisyon ng parehong opisina. Aniya, walang anumang tinaggal o sinira nang i-turn over niya ang tanggapan kay Estrada noong 2022 dahil gumamit umano siya ng government funds para sa refurbishment nito.