-- Advertisements --

Hiniling ni House Committee on Justice chair at Batangas Representative Gerville Luistro sa Korte Suprema na linawin kung maaari ng maghain ang mga complainant ng panibagong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ay dahil sa magkasalungat na interpretasyon sa ruling ng korte kaugnay sa one-year bar rule sa paghahain ng reklamo.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag sa isang pulong balitaan ngayong Lunes, matapos ihain ang dalawang impeachment complaints laban sa Bise Presidente sa Office of the House Secretary General.

Paliwanag ni Rep. Luistro, sa orihinal na desisyon ng Korte Suprema, naging basehan para sa one-year prohibition period ang impeachment complaint na inihain ng one-third ng House of Representatives noong Pebrero 5, 2025 kaya ang ikalawang impeachment ay maaaring simulang ihain sa Pebrero a-6 pa.

Subalit kung pagbabasehan naman ang kamakailang resolution ng Korte Suprema, na nagpatibay sa ruling nito na unconstitutional ang Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente, itinuturing na “deemed initiated” o sinimulan ang naunang impeachment complaint na inihain noong Disyembre 2, 2024 dahil sa kawalan ng aksiyon ng Kamara matapos magpaso ang 10-session day period noong January 14, 2025, kayat ang one-year prohibition period ay nagpaso na noong Enero 15, 2026.

Kayat tanong ng mambabatas anong petsa ang kanilang dapat sundin. Umaasa naman si Luistro na mabibigyang linaw ito ng Kataas-taasang hukuman.

Nitong Lunes, inihain ng progresibong grupo ang unang impeachment complaint laban kay VP Sara na inendorso ng mga mambabatas mula sa Makabayan bloc. Ito ay sinundan ng ikalawang reklamo mula naman sa coalition ng civil society leaders at religious figures na inendorso nina Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña at ML Partylist Rep. Leila de Lima. Ilan sa kanilang basehan sa paghahain ng reklamo laban sa Pangalawang Pangulo ang umano’y misuse ng confidential funds at betrayal of public trust bilang head ng DepEd at OVP.