Nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko, lalo na sa mga Pilipinong nakikipagrelasyon online sa mga dayuhan, laban sa lumalaganap na modus na ‘love scam’.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, nasa 74 na ulat kada buwan ang natatanggap ng ahensya kaugnay ng ganitong uri ng panloloko.
Sa modus, unang bubuuin ng mga scammer ang tiwala at damdamin ng kanilang mga biktima sa pamamagitan ng online relationship. Pagkatapos, sasabihin nilang padadalhan ang mga ito ng regalo o package mula sa ibang bansa.
Gayunman, sa halip na matanggap ang ipinangakong regalo, hihingan na ang biktima ng bayad na aabot umano sa $1 haggang $2 para sa customs duties umano at iba pang proseso ng pagpapadala.
Tiniyak naman ng kawanihan na nakikipag-ugnayan na ito sa Department of Information and Communications Technology (DICT), Philippine National Police Anti-Cybercrime Group at National Bureau of Investigation (NBI) upang matugunan ang ganitong uri ng panloloko.
Nagbabala rin ang opisyal na maaaring mahirapang mabawi ng mga nabiktima ang kanilang perang naipadala sa mga scammer. Dahil dito, pinaalalahanan ang publiko na maging mapanuri sa mga nakikilala online.














