-- Advertisements --

Umaasa si dating Iloilo Rep. Neil “Junjun” Tupas Jr. na magkakaroon ng kompromiso sa Senado upang matugunan ang usapin ng fairness at due process sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ipinaliwanag ng dating lead prosecutor sa 2012 Corona impeachment trial na nananatili ang reklamo ng depensa dahil naiharap na ng prosekusyon ang ilang paratang bago tuluyang iniurong ang tatlong artikulo.

Binigyang-diin ni Tupas na iba ang nangyari noong 2012 kung saan iniurong ang limang artikulo laban kay dating Chief Justice Renato Corona bago pa man maiprisinta ang mga ito sa impeachment court.

Ayon sa kaniya, mahalagang mabigyan kahit limitadong oras ang depensa sa pagbabalik ng pagdinig sa Nobyembre 9 upang tumugon sa mga pampublikong akusasyon at mapanatili ang integridad ng proseso.

Iginiit din niya na kailangang balansehin ng hukuman ang pagsunod sa mga umiiral na tuntunin at ang karapatan ng respondent na maipaliwanag ang kaniyang panig sa harap ng taumbayan.