Tiniyak ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian noong Miyerkules na may sapat na pondo at food packs ang DSWD para sa relief operations kasunod ng sunod-sunod na lindol at bagyo sa bansa.
Sa kanyang pagbisita sa Aurora, isa sa mga lubhang naapektuhan ng Super Typhoon Uwan, sinabi ni Gatchalian na prayoridad ng gobyerno ang mabilis na replenishment ng tulong at pinayuhan ang publiko na huwag mag-alala kung may sapat na ayuda para sa susunod na kalamidad.
Pinangunahan niya ang isang situational briefing sa Aurora Capitol sa Baler kasama si Governor Isidro Galban at mga lokal na alkalde upang suriin ang pangangailangan at tukuyin kung paano higit pang matutulungan ng DSWD ang mga komunidad.
Bago pa man tumama ang bagyo, 40,000 family food packs ang na-preposition, at mahigit 25,000 pamilya na ang nakatanggap ng ayuda. Kasalukuyan ring inihahanda ang “second wave” ng tulong.
Magbibigay din ang DSWD ng unang pinansiyal na ayuda na P5,000 para sa bahagyang nasirang bahay at P10,000 para sa tuluyang nasira.
Personal namang bumisita si Gatchalian sa mga evacuees sa Dipaculao at sa Catanduanes, isa pang lugar na lubhang tinamaan ng Uwan. (report by bombo Jai)
















