-- Advertisements --

Pinapalakas ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pakikipag-ugnayan nito sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) upang matiyak ang timely release ng mga benepisyo para sa mga centenarians.

Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, mas pinaigting ng kagawaran ang koordinasyon hindi lamang sa NCSC kundi pati na rin sa Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) ng mga lokal na pamahalaan.

Layunin nitong masigurong maagap na maipapaabot ang cash incentives at felicitation letters sa mga lolo at lolang sumasapit sa edad na 100, alinsunod sa itinatadhana ng Centenarians Act.

Ang hakbang ay kasunod ng naging viral na kaso ng apat na Aeta centenarians sa Capas, Tarlac na napaulat na hindi nakatanggap ng insentibo dahil sa isyung overaged.

Agad namang inaksyunan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang naturang insidente sa pamamagitan ng DSWD Field Office 3.

Napag-alamang hinatiran na ng tig-P10,000 na cash assistance ang mga nasabing senior citizen habang ipinoproseso ang kanilang full incentives mula sa NCSC.