Inaasahang haharap bukas, Setyembre 25, si Senator Robin Padilla sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng reklamong obstruction of justice na isinampa laban sa kanya at kay Lt. Col. Jean Alla Yasin Robles dahil sa umano’y pagtulong kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa na makaalis sa Senate premises noong Mayo 14.
Sa impeachment trial ni Vice President Sara Diuterte kahapon, nagpahiwatig ang Senador na maaaring hindi na niya makasama ang mga kapwa senador sa mga susunod na araw.
“Baka ito na rin ang huli kong araw dito. Baka ma-miss ko na kayo,” pahayag ni Padilla.
Ayon sa DOJ, ipinatawag si Padilla at Robles upang magsumite ng kanilang counter-affidavits kaugnay ng reklamong isinampa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Inamin naman ni Padilla na sumakay sa kaniyang SUV si Dela Rosa noong madaling-araw ng Mayo 14, ngunit sinabi niyang hindi umano pagtakas iyon.
Si Dela Rosa ay wanted ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity na may kaugnayan sa drug awar noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, nilinaw ng DOJ na ang subpoena ay hindi nangangahulugang napatunayang may sala na ang mga respondent. Bahagi pa lamang ito ng preliminary investigation kung saan binibigyan sila ng pagkakataong sagutin ang mga alegasyon laban sa kanila.
Nauna nang inirekomenda ng CIDG ang pagsasampa ng obstruction of justice complaint laban kay Padilla at iba pang indibidwal na umano’y tumulong sa pag-alis ni Dela Rosa mula sa Senado. Ayon sa CIDG, batay sa kanilang imbestigasyon, hindi lamang umano simpleng “hitch ride” ang pag-alis ni Dela Rosa.
















