-- Advertisements --

Hiniling ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa Senate Impeachment Court na tiyakin ang fairness, impartiality, at due process sa pagpapatuloy ng impeachment trial.

Ito ay matapos baguhin ng mga senator-judge kahapon sa impeachment trial ang voting threshold na kailangan para sa conviction ng isang impeachable official.

Sa manifestation ni Atty. Sheila Sison, lead counsel ng depensa ni Duterte, binigyang-diin niya ang naging ruling ng Supreme Court sa Duterte v. House of Representatives, kung saan sinabi na bagama’t may political characteristics ang impeachment, ito ay isang constitutional at legal process na dapat sumunod sa mga itinakda ng Saligang Batas.

Ayon kay Sison, hindi umiiwas sa accountability si Vice President Duterte at hindi rin umano nangangamba sa magiging resulta ng paglilitis.

Gayunman, iginiit ng abogado na hinihingi lamang ng kanilang kampo ang mga pangunahing garantiya ng isang patas at walang kinikilingang proseso.

Iginiit din ni Sison na dapat mapanatili ang karapatan ng respondent na gamitin ang lahat ng legal remedies na available sa ilalim ng batas at Konstitusyon.

Sa huli, nanawagan ang depensa na manaig sa impeachment trial ang isang prosesong “walang kinikilingan o kinatatakutan,” kasabay ng pagtiyak sa makatarungang paglilitis at pagpapasya.