-- Advertisements --

Kumalas sa armadong grupo at pormal nang nagbalik-loob sa pamahalaan ang isang umano’y Political Instructor ng Regional Operations Command-Far South Mindanao Region (ROC-FSMR) ng CPP-NPA-NDF matapos siyang barilin ng kaniyang sariling mga kasamahan sa Lungsod ng Tagum noong Setyembre 19.

Kinilala ng mga awtoridad ang nagbalik-loob sa mga alyas na “Lovie,” “Tikong,” at “Yassie,” na naglingkod din bilang political instructor ng executive committee at medic ng grupo.

Matapos magtamo ng sugat sa pamamaril, humingi ng tulong si Lovie sa pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato para sa kaniyang matanggap na gamot at seguridad.

Agad naman siyang dinala sa isang pagamutan habang inihahanda ang mga kaukulang proseso ng kaniyang pagbabalik-loob.

Ayon kay Lovie, bukod sa natanggap na mga banta sa kaniyang buhay mula sa mga kasamahan sa kilusan, napagdesisyunan niyang tumalikod na sa armadong pakikibaka dahil sa labis na hirap ng pagtatago sa kabundukan at sa kagustuhang mamuhay nang mapayapa lalo’t siya ay kasalukuyang nagdadalang-tao.

Samantala, binigyang-diin ni 603rd Infantry Brigade Acting Commander Colonel Glenn Loreto T. Caballero na mananatiling bukas ang pintuan ng South Cotabato at ng buong pamahalaan sa pagtanggap at pagbibigay ng tulong sa sinumang nagnanais na magsimula ng panibagong buhay at talikuran ang gulo.