Matapos ang mahabang panahon ng pagkakalayo, nakatakda nang makauwi si Mary Jane Veloso sa kaniyang tahanan sa Barangay Caudillo, Cabanatuan City, Nueva Ecija, kasunod ng pagkakaloob sa kaniya ng absolute pardon.
Isang araw matapos ang kaniyang paglaya, kabilang sa mga unang ginawa ni Veloso ang pagdalo sa misa kasama ang kaniyang mga kapamilya sa Sta. Catalina Convent sa loob ng Siena College sa Quezon City.
Ibinahagi ni Veloso na una niyang hinanap ang kaniyang mga magulang matapos siyang makalaya dahil sabik na siyang makasama at mayakap ang mga ito.
Isa rin sa mga unang pagkain na kaniyang nakain ang pizza, habang inaabangan naman niya ang mga lutong-bahay na ihahanda ng kaniyang pamilya pag-uwi niya.
Aminado si Veloso na pagod siya at kulang sa tulog matapos ang sunod-sunod na pangyayari.
Gayunman, mas nangingibabaw umano ang kaniyang saya dahil muli na niyang makakasama ang pamilya, kabilang ang simpleng bonding gaya ng sabay-sabay na pagtulog at paggugol ng oras na matagal nilang hindi nagawa.
Nagpasalamat naman si Veloso kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagkakaloob sa kaniya ng absolute pardon.
Matatandaang halos dalawang taon siyang nagsilbi sa Correctional Institution for Women bago tuluyang nabigyan ng pardon.
Noong 2015, matapos sumuko sa Pilipinas ang umano’y illegal recruiter ni Veloso, umapela noon si dating Pangulong Benigno Aquino III sa Indonesia na huwag ituloy ang kaniyang execution.
Matagal nang iginiit ni Veloso na hindi niya alam na may ilegal na droga sa kaniyang bagahe nang siya ay maresto sa Indonesia.















