Nagkaloob ng tulong-pinansyal ang Department of Migrant Workers (DMW) kay Mary Jane Veloso at sa kaniyang pamilya kasunod ng iginawad na absolute pardon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kamakailan.
Personal na binisita ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac ang pamilya Veloso sa kaniyang tahanan sa General Natividad, Nueva Ecija noong Setyembre 29 upang iabot ang tulong na magagamit nila bilang puhunan sa negosyo at pampaayos ng bahay.
Nagpaabot din ang ahensiya ng hiwalay na tulong-pinansyal sa mga magulang ni Veloso na sina Celia at Cesar gayundin sa kaniyang kapatid na si Marites na isa ring dating overseas Filipino worker.
Tugon naman ni Veloso, lubos ang kaniyang pasasalamat sa pamahalaan sa patuloy na suporta at pagkalinga sa kaniyang pamilya matapos ang mahabang panahon ng pakikipaglaban sa kaniyang kaso.
Magugunitang nahatulan ng bitay si Veloso sa Indonesia noong 2010 dahil sa kaso ng drug trafficking ngunit nailigtas matapos mapatunayang biktima lamang siya ng panlilinlang ng kaniyang mga recruiter.














