Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi awtomatikong makatatanggap ng benepisyo ang lahat ng nagpapalaki ng anak nang mag-isa sa ilalim ng Republic Act No. 11861 o Expanded Solo Parents Welfare Act.
Ayon kay Social Welfare Officer IV Jocelyn Vince Cruz, dapat ay ang aplikante ang may buong responsibilidad sa pag-aaruga at suporta sa anak at walang co-parenting o regular na tulong mula sa dating asawa o kamag-anak. Taunang nire-renew ang Solo Parent Identification Card (SPIC) at sumasailalim sa beripikasyon ng LGU.
Sa datos ng DSWD, may mahigit 260,000 rehistradong solo parents sa bansa, habang 291 LGUs ang nagbibigay ng buwanang subsidiya.
Kabilang sa maaaring kilalaning solo parents ang legal guardians, adoptive at foster parents, at ilang kamag-anak na umaako sa responsibilidad ng magulang. Saklaw din ng batas ang dependents hanggang 22 taong gulang, basta’t walang asawa, walang trabaho, at nag-aaral.
Isinasapinal na rin ng DSWD ang unified ID system para sa solo parents, na target maipatupad sa buong bansa sa 2026. (report by Bombo Jai)
















