Umabot na sa halos 700,000 indibidwal o higit 200,000 pamilya ang naapektuhan ng Bagyong Basyang sa iba’t ibang rehiyon ng Visayas at Mindanao, batay sa pinakahuling ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC) report, libu-libong residente ang nananatili sa mga evacuation centers matapos ang malawakang pagbaha at landslide na dulot ng tuloy-tuloy na malakas na ulan.
Sa Northern Mindanao, lumampas pa sa 100-year return period ang dami ng ulan, indikasyon ng isang bihirang at matinding weather event na nagdulot ng pag-apaw ng mga ilog at pagbaha sa mga komunidad.
Naitala rin ang 12 nasawi sa Cagayan de Oro at Iligan City, karamihan ay dahil sa landslide at pagkalunod.
Mahigit 400 bahay ang nasira, habang daan-daang iba pa ang bahagyang napinsala.
Tiniyak ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na nakaposisyon na ang relief goods at tulong sa mga apektadong lugar bago pa man tumama ang bagyo.
Patuloy ang pamamahagi ng food packs, hygiene kits, at iba pang pangangailangan sa mga evacuees.
Bukod sa Visayas at Mindanao, naapektuhan din ang ilang bahagi ng Bicol Region.
















