-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa paggamit ng mga pekeng dokumento para makakuha ng tulong mula sa mga programa ng ahensiya tulad ng Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS) o kahit sa anumang ahensiya ng gobyerno.

Sa isang statement ngayong Sabado, Pebrero 14, sinabi ni DSWD spokesperson ASec. Irene Dumlao na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng pekeng identification cards o anumang palsipikadong dokumento at nagbabala na may kaukulang pananagutan sa ilalim ng Revised Penal Code.

Ginawa ng DSWD official ang pahayag kasunod ng insidente noong Miyerkules, Pebrero 11 kung saan napigilan ng isang social worker mula sa DSWD – National Capital Region ang isang lalaki na tinangkang humingi ng tulong medikal sa ilalim ng programang AICS.

Dito, nagpresenta ang naturang indibidwal ng pekeng person with disability o PWD ID card habang kinakapanayam siya at lumabas na hindi tumutugma ang kaniyang mga pahayag sa isinumite niyang mga dokumento.

Agad na ni-report ang insidente sa Barbosa Police Station para maitala sa police blotter.

Pinapayuhan naman ang publiko na isumbong sa mga awtoridad ang sinumang indibidwal na gumagamit ng mga pekeng dokumento para maiwasang makapanloko.