-- Advertisements --

Nilinaw ni dating presidential legal counsel na si Atty. Salvador Panelo na pumunta siya sa The Hague para suportahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte, at hindi bilang miyembro ng defense team nito sa International Criminal Court (ICC).

Sa isang panayam, sinabi ni Panelo na kaibigan niyang maituturing ang dating Pangulo kaya nais niyang magbigay ng moral support bago ang pagdinig ng korte tungkol sa kumpirmasyon ng mga kaso laban dito.

Ayon pa kay Panelo, nauna siyang bumiyahe patungong The Hague kasama ang iba pang supporters nang walang koordinasyon bilang bahagi ng isang defense group.

Nabuo lamang umano ang pormal na legal team pagkatapos.

Kabilang sa all-Filipino legal team ni Duterte na namataan sa confirmation hearings sina Atty. Salvador Medialdea, Martin Delgra III, Silvestre Bello III, Alfredo Lim Jr., at Caesar Dulay.

Bagama’t ikinatuwa niya ang pagkakabuo ng defense team, iginiit ni Panelo na wala pa siyang opisyal na papel dito at dadalo lamang siya bilang tagamasid at tagasuporta ni Duterte.

Nilinaw din niya na hindi niya nakatrabaho o nakausap ang lead counsel na si Atty. Nicholas Kaufman kaugnay ng kaso ng dating Pangulo.