Sinabi ng isang technical auditor ng Commission on Audit (COA) na ang inspeksyon niya sa P289-milyong road dike sa Naujan, Oriental Mindoro, ay hindi umabot sa mga nakasaad sa kontrata.
Sa bail hearing ng siyam na DPWH-Mimaropa officials na kinasuhan ng malversation kasama si dating kongresista Zaldy Co, sinabi ni COA auditor Engr. Raymundo Manalo na noong Oktubre 2025, tanging 3 metro lamang ng steel sheet piles ang na-install, kulang sa 12 metrong nakasaad sa kontrata. Tugma ito sa naunang inspeksyon nina DPWH Secretary Vince Dizon at Oriental Mindoro Gov. Humerlito “Bonz” Dolor noong Setyembre 2025, at sa validation inspection ng DPWH-Mimaropa OIC Regional Director Editha Babaran.
Pinuna ng depensa ang kredibilidad ni Manalo dahil hindi siya structural engineer, ngunit ipinunto niya na siya ay civil engineer na may sapat na kaalaman para magsagawa ng inspeksyon. Tinukoy rin na limitado lamang ang nasukat na 12 steel sheet piles dahil ito lamang ang nakalantad sa excavation.
Hindi siya nagbigay ng rekomendasyon sa kontratista upang ayusin ang problema. Si Gov. Dolor at COA auditor Victoriano Acosta ay inaasahang magbibigay ng testimonya sa mga susunod na araw.
Ang siyam na DPWH-Mimaropa officials ay nag-not guilty plea sa malversation at graft, habang sina Co at iba pang akusado ay nananatiling at large. (report by Bombo Jai)















