Sabay-sabay na nagpapakawala ng malaking bulto ng tubig ang 28 pinagsama-samang gates ng iba’t-ibang major dam sa Luzon, kasabay ng matinding pag-ulan ngayong araw (Nov. 10).
Sa updated report ng Hydr-Meteorological Division ng state weather bureau, pawang nagtaas ng dam discharge ang limang dam na dati nang nagbukas ng tubig bago ang pag-landfall ng Super Typhoon Uwan.
Sa kasalukuyan, ang Magat Dam sa Cagayan Valley ang may pinakamaraming pinapakawalang bulto ng tubig na aabot sa 1,416.94 cms na tubig. Ito ay halos doble sa pinapakawalan nito bago tumama ang bagyo.
Sinundan ito ng Binga Dam at Ambuklao Dam.
Walong gates ng Ambuklao ang nakabukas at nagpapakawala ng 1,018.65 cms na tubig habang sa Binga Dam ay anim na gates na ang nakabukas at nagpapakawala ng 1,119.42 cms ng tubig.
Tig-tatlong gates naman ang nakabukas sa Angat at Ipo Dam na parehong nasa Central Luzon.
Nagpapakawala ang Angat ng 450.cms ng tubig habang halos 500 cms ng tubig ang pinapakawalan ng mas maliit na Ipo Dam.
Ayon sa state weather bureau, patuloy nitong binabantayan ang antas na tubig sa major dams sa buong bansa, habang nagpapatuloy pa rin ang malawakang pag-ulan.
Mula noong nag-landfall ang ST Uwan hanggang sa dumaan sa mainland Luzon, pawang nagrehistro ng pagtaas ng tubig ang mga dam sa naturang lugar, kasama na ang pinakamalaking dam sa Pilipinas na San Roque Dam.
Tumaas ng mahigit dalawang metro ang antas ng tubig sa naturang dam, dahilan upang maabot nito ang antas na halos 274 meters, anima na metro bago ang normal high water level nito.














