Pumalo na sa 47 ang kaso ng mga biktima ng paputok sa buong bansa, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Batay sa datos na inilabas ng PNP, 13 ang naitalang biktima sa Central Visayas, 7 sa Soccsksargen, at 6 sa Metro Manila mula Disyembre 16 hanggang 26.
Samantala, parehong 5 kaso ang naitala sa Cagayan Valley at Cordillera Region; 4 sa Ilocos Region; tig-2 sa Calabarzon at Western Visayas; at tig-1 naman sa Central Luzon, Northern Mindanao, at Negros.
Sa isinagawang operasyon kontra ilegal na paputok ng PNP, nakumpiska ang humigit-kumulang 1 milyong piraso ng iba’t ibang klase ng paputok sa buong bansa. Naaresto rin ang 23 katao dahil sa pagbebenta ng mga ito.
Muli namang nagpaalala ang PNP hinggil sa mga ipinagbabawal na paputok kabilang ang watusi, pop-pop, pla-pla, piccolo, five star, at iba pa.
















