Suportado ng National Maritime Council (NMC) ang suhestyon na bisitahin ng mga opisyal ng Pilipinas ang West Philippine Sea (WPS) at Kalayaan Island Group (KIG) upang mas maunawaan ang sitwasyon doon.
Ito ay sa gitna ng maiinit na palitan ng pahayag ng mga mambabatas at iba pang mga opisyal ng gobyerno sa naturang isyu.
Ayon kay NMC spokesperson USec. Alexander Lopez, nararapat lamang ito dahil hindi masyado aniyang naiintindihan ang sitwasyon sa ground.
Mariing iginiit ng opisyal na ang Kalayaan ay teritoryo ng Pilipinas kung saan mayroong mamamayan doon at lokal na pamahalaan, kayat tama lamang aniya na bisitahin ang lugar para ma-appreciate kung ano ang mayroon tayo, kung bakit tayo naninindigan at kung bakit ipinaglalaban ang ating karapatan sa naturang malayong lugar.
Matatandaan, una nang inimbitahan ni PCG spokesperson for the WPS Comm. Jay Tarriela sina Senator Rodante Marcoleta, kaniyang anak na si Sagip Party-list Rep. Paolo Marcoleta at si Senator Alan Peter Cayetano para bisitahin ang Kalayaan Island Group, kung saan magba-bonding at magtatampisaw umano sila sa dagat ng Pag-asa Island.
















