Nanawagan si Senador Rodante Marcoleta noong Martes na itigil ang umano’y “distortion” sa kasaysayan kaugnay ng pag-aangkin ng Pilipinas sa Kalayaan Island Group (KIG) sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ay matapos siyang batikusin dahil sa nauna niyang pahayag na tila nagsusulong na isuko ang KIG, na bahagi ng Spratly Islands.
Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification, and Reconciliation, kinuwestiyon ni Marcoleta ang pahayag ni Senate Pro-Tempore Panfilo ”Ping” Lacson noong Pebrero 4 na si Tomas Cloma ang nakadiskubre sa Spratlys sa ilalim ng prinsipyong res nullius o pag-aari ng sinumang unang makadiskubre at sumakop sa isang lupain na walang nagmamay-ari.
Ayon kay Lacson, ibinigay ni Cloma ang isla mula sa pamahalaan, na kalaunan ay isinapormal sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 1596 na nilagdaan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na nagtatag sa munisipalidad ng Kalayaan noong 1978.
Ngunit iginiit ni Marcoleta na mali ang naratibong si Cloma ang “nakatuklas” sa Spratlys noong 1956 nang ideklara niya ang tinawag na Freedomland.
“There are a lot of discoveries already prior to 1956,” ani Marcoleta.
Dagdag pa niya, kabilang umano ang Pilipinas, Estados Unidos, United Kingdom, Australia, Japan, at China sa mga tumutol sa deklarasyon ni Cloma, dahil hindi naman umano “undiscovered” o “unoccupied” ang mga isla.
Binigyang-diin ng senador na ang pagmamay-ari ng Pilipinas sa mga bahaging inokupahan nito ay nakabatay sa presensya ng mga Pilipino at sa kontrol ng pamahalaan, hindi dahil sa pagkakadiskubre o donasyon ni Cloma.
Naniniwala rin si Marcoleta na dapat ituwid ang itinuturo sa mga paaralan upang maiwasan ang maling impormasyon sa mga estudyante.
Mabilis namang pinabulaanan ni Lacson ang pahayag ni Marcoleta, at sinabing kinikilala mismo ng lokal na pamahalaan ng Kalayaan, Palawan ang makasaysayang tala hinggil sa “Independence Claim” ni Cloma noong Hulyo 6, 1956, kung saan itinatag ang hiwalay na pamahalaan ng “Free Territory of Freedomland” na may kabisera sa Flat Island o Patag Island.
Ayon kay Lacson, isinuko ni Cloma ang kanyang claim sa pamahalaan noong dekada 1970 kapalit ng P1, na nagbigay-daan sa paglalabas ng PD 1596 at opisyal na pagtatatag ng munisipalidad ng Kalayaan.
Magugunitang ang usapin sa Spratlys ay sumiklab kasunod ng serye ng mainit na palitan nina Marcoleta at Lacson hinggil sa KIG, na bahagi ng mga pinag-aagawang teritoryo sa karagatan.
Bukod sa Pilipinas, inaangkin din ng Taiwan, Vietnam, at Brunei ang ilang bahagi ng Spratly Islands.
Una nang umani ng matinding batikos si Marcoleta matapos ang kanyang pahayag na maaaring “isuko” ang KIG at hindi dapat mamatay ang mga Pilipino para rito dahil ang mga tampok na bahagi nito ay lampas umano sa exclusive economic zone ng bansa.
Kalaunan ay nilinaw ng senador na mali umano ang pagkakaintindi sa kanyang pahayag at sinabing ”were taken out of context” upang siya ay ilarawan bilang kontrabida.
















