-- Advertisements --

Inihayag ni Mamamayang Liberal party-list Representative Leila De Lima na lumiit na ang mundo ng mga co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos silang pangalanan ng International Criminal Court (ICC).

Kabilang na dito sina Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, Senator Bong Go, dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, at ilan pang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).

Sa isang video statement na inilabas ng mambabatas ngayong Sabado, Pebrero 14, sinabi niyang noon pa man ay binalaan na niya ang mga it, kahit pa noong nasa piitan siya, na darating ang araw na ito. Tulad aniya ng dating Pangulo, hindi sila nakinig at sa halip ay mayayabang pa umano sila.

Nagbabala rin si De Lima na marami sa kanila ang magtatago at sasama kay Senator Bato na nagtatago sa batas.

Gayunpaman, anuman aniya ang mangyari, hahabulin sila ng hustisiya at mananaig ang katarungan.

Una rito, base sa inilabas na dokumento ng ICC, ang pagkakasama nina dela Rosa at Go sa listahan ay dahil sa kanilang papel sa pagpapatupad at pagsuporta sa mga polisiya ng drug war ni dating Pangulong Duterte.

Matatandaan si dela Rosa ay nagsilbi noong hepe ng pambansang pulisya na nanguna sa pagpapatupad ng kampaniya kontra iligal na droga, habang si Go naman ang nagsilbi noong Special Assistant to the President (SAP).