Inimbitahan ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) ang publiko ngayong Valentine’s Day, Pebrero 14 na magpadala ng pangalan na isasama sa biyahe patungong buwan bilang bahagi ng nalalapit na Artemis II mission.
Sa Valentine’s Day post ng space agency, hinimok nito ang publiko na irehistro ang kanilang mga mahal sa buhay at upang maisama ang kanilang mga pangalan sa pambihirang lunar mission.
Maaaring magrehistro sa pamamagitan ng official website ng NASA.
Ang mga isusumiteng pangalan ay ilalagay sa SD card lulan ng Orion spacecraft sa oras na mailunsad na ang Artemis II ngayong taon.
Ang Artemis II ang kauna-unahang flight na may sakay na crew kabilang ang apat na astronauts patungo sa buwan at pabalik sa Earth.
Inaasahang ilulunsad ang 10-day mission sa Abril sa Kennedy Space Center, Florida.
Inaasahan ding magiging makasaysayan ito bilang kauna-unahang pagbiyahe ng mga tao sakay ng Space Launch System rocket at Orion spacecraft.
Ang naturang flight ay isang panibagong hakbang para sa susunod na crewed missions sa surface ng buwan at para matulungan ang NASA na makapaghanda para sa astronaut missions patungong Mars sa hinaharap.
















