-- Advertisements --

Pinag-iingat ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko sa pagbili ng mga regalo online para sa Valentine’s Day dahil sa tumataas na kaso ng shopping scam.

Ayon sa DTI, dumarami at mas nagiging agresibo ang mga hindi rehistradong online seller na nag-aalok ng “love gifts” na walang kasiguruhan sa kalidad at proteksyon ng mamimili.

Binigyang-diin ng ahensya na dapat mamili lamang sa mga lehitimong platform na may DTI trustmark upang maiwasan ang panloloko.

Kasabay nito, nagbabala rin ang Philippine National Police (PNP) at Scam Watch Pilipinas sa paglaganap ng “love scams” sa social media at dating apps.

Naitala ng PNP ang 54 kaso ng love scam noong 2025, 75 noong 2024, at anim na kaso mula Enero hanggang Pebrero ngayong taon.

Gumagamit umano ang mga scammer ng artificial intelligence para lumikha ng pekeng larawan, video call, at scripted na usapan upang linlangin ang biktima.