Taos-pusong nagpasalamat at sumaludo ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga botanteng Bangsamoro na nagpakita ng matinding tiyaga at determinasyon upang magamit ang kanilang karapatang bumoto sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections ngayong 2026.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, hinangaan ng poll body ang mga mamamayan sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na hindi nagpadaig sa takot at pangamba upang makapili ng mga lider na mamumuno sa bagong Parlamento.
Sinabi ni Garcia na bagama’t may mga lugar na nagpapatuloy pa ang transmission ng mga boto at may mga resulta pang hinihintay, malinaw na ipinakita ng mga Bangsamoro ang kahalagahan ng kanilang pakikilahok sa makasaysayang halalang ito.
Ikinatuwa rin ng komisyon ang mahigpit at tuloy-tuloy na koordinasyon sa pagitan ng COMELEC, Philippine National Police (PNP), at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakatulong nang malaki upang mapanatiling generally peaceful ang halalan sa malaking bahagi ng rehiyon.
Gayunman, mariing kinondena ni Garcia ang mga naitalang insidente ng karahasan at kaguluhan sa ilang lugar, kabilang ang mga pag-atake na nagresulta sa pagkasawi at pagkasugat ng ilang indibidwal.
Binigyang-diin ng COMELEC Chairman na hindi palalampasin ang mga gawaing ito at dapat na agad na managot sa batas ang mga nasa likod ng naturang mga krimen.
Sa huli, ipinaalala ni Garcia na ang mga botante ang tunay na lakas ng isang demokrasya at ang pagboto ay hindi lamang isang karapatan kundi isang mahalagang tungkulin sa bayan.
Kasabay nito, hinimok niya ang mga kandidatong magwawagi na magkaisa, tuparin ang kanilang mga ipinangako sa mamamayan, at patuloy na isulong ang mga layunin ng usapang pangkapayapaan sa Bangsamoro.
















