Iginiit ng Presidential Task Force on Media Security na hindi sapat ang pag-aresto sa mga suspek sa pag-atake sa mga mamamahayag at dapat tiyaking umuusad ang mga kaso hanggang sa mapanagot ang mga salarin.
Kasabay ito ng paggunita sa International Day to End Impunity for Crimes against Journalists nitong Nobyembre 2.
Pinuri ng PTFOMS ang Philippine National Police sa pag-aresto sa isang suspek sa pananambang kay radio broadcaster na si Jay Lavapiez noong Hunyo 22 sa Roxas City, Capiz.
Naaresto ang suspek na kinilala sa alyas na Doming noong Oktubre 30 sa Tapaz, Capiz.
Nakaligtas si Lavapiez matapos imaniobra ang kaniyang sasakyan palayo sa mga salarin na pinaputukan siya habang patungo sa kaniyang programa sa radyo.
Ayon sa PTFOMS, mahalagang maimbestigahan nang maayos ang mga kaso at maiharap sa korte ang mga responsable upang matiyak ang hustisya para sa mga biktima at kanilang pamilya.
Hinimok din nito ang publiko na magbigay ng mapagkakatiwalaang impormasyon sa mga awtoridad upang makatulong sa paglutas ng mga krimen laban sa mga mamamahayag.














