-- Advertisements --

Pinuri ng isang propesor sa komunikasyon ang mga inobasyon ng Bombo Radyo Philippines na nakikitang pangunahing dahilan kung bakit nananatiling buhay ang industriya ng radyo sa kabila ng mabilis na pag-usbong ng teknolohiya at digital media.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Shiela Mae Quero, propesor sa Broadcasting Division ng West Visayas State University–College of Communication, sinabi niyang hindi lamang nakakasabay ang Bombo Radyo sa makabagong teknolohiya kundi nagiging inspirasyon din ito sa iba pang istasyon ng radyo upang patuloy na maghatid ng tama at mapagkakatiwalaang impormasyon.

Ayon kay Dr. Quero, ang visual component ng radyo ay akma sa bagong henerasyon ng kabataan na mahilig sa digital media.

Binigyang-diin din niya ang kultura ng kredibilidad at etikal na pamamahayag ng Bombo Radyo na naging sandigan ng tiwala ng publiko sa loob ng mahigit 60 taon.

Sa kasalukuyan, may 32 fully digitalized radio stations ang Bombo Radyo Philippines na patuloy na naglilingkod hindi lamang sa content kundi pati sa impluwensya at tiwala ng publiko.

Ang mga inobasyong ito ay patunay na ang radyo ay nananatiling makabago at mahalaga sa lipunan.

Ngayong araw, kaisa ang Bombo Radyo Philippines sa pagdiriwang ng World Radio Day.