Nakiisa ang Commission on Human Rights (CHR) sa buong bansa sa paggunita ng National Press Freedom Day ngayong Agosto 30, 2026.
Binigyang-diin ng komisyon na ang malaya at independiyenteng pamamahayag ay napakahalaga sa demokrasya upang mabigyang-boses ang mga komunidad, maningil ng pananagutan sa kapangyarihan, at maipakita ang kalagayan ng mga marginalized na sektor.
Gayunpaman, binigyang-pansin ng CHR na patuloy na nahaharap sa matitinding pagsubok ang kalayaan sa pamamahayag sa Pilipinas, lalo’t nasa pang-114 na pwesto lamang ang bansa sa 2026 World Press Freedom Index ng Reporters Without Borders.
Dahil sa kawalan ng mabilis na hustisya para sa mga biktima ng krimen sa hanay ng media, hinimok ng CHR ang pamahalaan na unahin ang pagpapanagot sa mga nagkasala upang matapos na ang kultura ng impunidad.
Binatikos din ng ahensya ang pananakot at red-tagging sa mga mamamahayag, alinsunod na rin sa desisyon ng Korte Suprema na ang red-tagging at vilification ay banta sa buhay at kaligtasan ng isang tao.
Inirekomenda ng CHR ang pagpasa ng batas na magpaparusa sa red-tagging bilang isang natatanging krimen upang maprotektahan ang karapatan ng publiko sa tamang impormasyon.
Upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga nakikipagbalitaan, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng CHR sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) at ang pagpapatupad ng Alisto! Alert Mechanism kung saan direktang maiuulat ng mga media workers ang anumang banta o karahasan sa kanilang hanay.
Nawagan din ang CHR sa 20th Congress na unahin ang pagpasa sa mga panukalang batas na nagdedecriminalize sa libel at cyberlibel, kabilang ang mga panukala nina Rep. Brian Poe Llamanzares, Rep. Antonio Tinio, Rep. Renee Co, Rep. Rufus Rodriguez, Rep. Maximo Rodriguez, pati na rin nina Sen. Loren Legarda, Sen. Jinggoy Estrada, at Sen. Erwin Tulfo, upang palitan ang parusang pagkabilanggo ng angkop na civil remedies.
Nagbabala rin ang komisyon laban sa mga panukalang batas ukol sa disinformation tulad ng proposed Digital Media Anti-False Information Act, na kung magiging masyadong malawak o malabo ay posibleng magdulot ng self-censorship.
Giit ng CHR, kailangang protektahan ang kalayaan sa pagpapahayag habang tinutugunan ang epekto ng mga bagong teknolohiya tulad ng artificial intelligence (AI) na ginagamit sa paniniktik at pagpapakalat ng maling impormasyon.















