Patuloy na pinatitibay ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga hakbang para sa proteksiyon, kapakanan, at pagtataguyod ng mga karapatan ng mga manggagawa sa media sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Gender Sensitivity for Media.
Isinagawa ang gawaing ito sa pakikipagtulungan sa Philippine Commission on Women (PCW) at Society of Trans Women of the Philippines, Inc. (STRAP), bilang bahagi ng pagsusulong ng kamalayan sa pagkakapantay-pantay ng kasarian, pagiging inklusibo, at paggalang sa dignidad at karapatan ng bawat indibidwal sa larangan ng pamamahayag.
Layunin ng CHR na palalimin ang pag-unawa ng mga media worker sa kahalagahan ng gender sensitivity at responsableng representasyon sa mga balita at iba pang anyo ng komunikasyon. Binibigyang-diin din nito ang pangangailangang maisabuhay ang mga prinsipyo ng karapatang pantao sa pang-araw-araw na gawain ng mga institusyon ng media.
Binigyang-diin din ng inisyatibang ito ang mahalagang papel ng mga mamamahayag sa pagtataguyod ng isang lipunang kumikilala at gumagalang sa karapatan at dignidad ng lahat. Sa pamamagitan ng mas sensitibo, patas, at inklusibong pamamahayag, makatutulong ang media sa pagbuo ng isang kapaligirang ligtas at malaya.












