-- Advertisements --

Malugod na tinanggap ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagkakatanggal ng Pilipinas mula sa listahan ng United Nations hinggil sa malulubhang paglabag sa karapatan ng mga bata sa konteksto ng armadong tunggalian, matapos ang 22 taon.

Itinuturing itong mahalagang tagumpay na bunga ng pagpapatupad ng Republic Act 11188 o Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict Act.

Sa ulat ng CHR para sa 2025, binigyang-diin ang papel ng Inter-Agency Committee on CSAC at iba pang mekanismo ng pamahalaan at civil society sa pangangalaga sa mga bata.

Pinagtibay ng Armed Forces of the Philippines ang patakaran na ituring ang mga batang nasasangkot sa operasyon bilang biktima, habang pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development ang pangangalaga at rehabilitasyon.

Naglabas din ng patnubay ang Department of Education upang gawing “Zones of Peace” ang mga paaralan. Katuwang ng pamahalaan ang mga organisasyong tulad ng International Committee of the Red Cross at Plan International sa pagbibigay ng suporta.

Gayunman, nananatili ang ilang kakulangan gaya ng limitadong access sa psychosocial services at reintegration programs.

Binibigyang-diin ng CHR na ang patuloy na proteksyon sa mga bata ay tungkulin ng pamahalaan, civil society, at komunidad.

Naninindigan ang Komisyon na ipagpapatuloy ang pagbabantay at pagtataguyod ng karapatan ng bawat batang Pilipino, lalo na sa mga lugar na apektado ng armadong tunggalian.