Nagsagawa ang Pilipinas at United States ng ika-16 na bilateral maritime cooperative activity (MCA) sa West Philippine Sea nitong Miyerkules, kasama ang Philippine Navy, Philippine Coast Guard at US Navy.
Pinangunahan ng BRP Miguel Malvar ng Philippine Navy ang aktibidad, kasama ang BRP Melchora Aquino ng PCG at USS Warrior ng US Navy. Kabilang sa mga isinagawang pagsasanay ang passing exercise, communications drills at maritime domain awareness activities.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang interoperability ng puwersa ng Pilipinas at US, partikular sa komunikasyon, koordinasyon at pagsasagawa ng joint operations.
Isinagawa ang maritime cooperative activity sa gitna ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea, kasunod ng pagharang umano ng Chinese maritime forces sa isang medical evacuation mission sa Ayungin Shoal. Tiniyak ng mga awtoridad na patuloy na paghahandaan ng militar ang iba’t ibang sitwasyon at isasagawa ang kanilang tungkulin nang propesyonal at alinsunod sa domestic at international law.















