Nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) ng agarang aksyon matapos lumutang ang bagong testigo sa kaso ng 34 nawawalang sabungeros na umano’y pinatay at inilibing sa Taal Lake.
Agad na nagtungo ang mga imbestigador mula CHR Region IV-A sa lugar upang magsagawa ng monitoring at makilahok sa operasyon kasama ang ibang ahensya ng gobyerno.
Nagsagawa na ng motu proprio investigation ang CHR noong 2022 ngunit walang lumutang na testigo o ebidensyang nagtuturo sa eksaktong kinaroroonan ng mga biktima.
Ayon kay CHR Commissioner Beda Epres, positibong hakbang ang paglutang ng suspek na handang maging state witness at ibunyag ang nalalaman niya tungkol sa krimen.
Nagsagawa rin ng mapayapang pagkilos ang mga kaanak ng biktima sa CHR Central Office at nakipagdayalogo sa mga opisyal upang alamin ang mga susunod na hakbang.
Umapela ang CHR sa lahat ng kaugnay na ahensya ng gobyerno na magsanib-puwersa upang resolbahin ang kaso at makamit na ang hustisyang matagal nang inaasam ng mga pamilya.
“Isang panawagan na rin po ito sa lahat ng government agencies na kung maaari, magtulungan tayo—CHR, DOJ, Philippine Navy, Philippine Coast Guard—para once and for all, mabigyan na po ng tuldok itong kasong ito at makamit na natin yung matagal na nating inaasam na hustisya,” wika ni Epres.