-- Advertisements --

Narekober ng mga diver ang humigit-kumulang 1,400 buto ng tao mula sa Taal Lake, ayon sa Philippine National Police (PNP) Forensics Group.

Sasailalim ang lahat ng nakuhang buto sa iba’t ibang pagsusuri kabilang na ang medico-legal, anthropological, radiographic imaging, dental, at DNA testing.

Kaugnay ito ng kaso ng mga nawawalang sabungero matapos ihayag ni Julie ‘Dondon’ Patidongan na itinapon umano sa Taal Lake ang mga bangkay ng mga biktima sa utos umano ng negosyanteng pugante na si Charlie ‘Atong’ Ang, na siyang itinurong utak ng krimen.

Buhat nito nahihirapan ang mga forensic expert na makakuha ng DNA profile dahil sa matinding pagkasira ng mga buto bunsod ng sulfuric acid, magnesium, aluminum, sodium, at mataas na temperatura ng naturang lawa.

Dahil dito, gumagamit ang PNP ng mas masusing paraan ng pagsusuri, kabilang ang paulit-ulit na pagkuha ng samples mula sa mga buto upang mapataas ang posibilidad na makakuha ng maayos na DNA evidence.

Kung may makukuhang sapat na DNA samples, sinabi ng mga awtoridad na maaari silang makipagtulungan sa mga laboratoryo sa Japan o sa University of the Philippines para sa karagdagang pagsusuri.

Samantala, nahaharap naman si Atong Ang at 21 iba pang respondent, na karamihan ay mga pulis, sa mga kasong kidnapping with homicide at serious illegal detention na inihain sa mga korte sa Batangas at Laguna kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero.