Mariing kinondena ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) ang pagpatay kay Nestor Micator, 56-anyos, isang news anchor at komentarista ng isang local radio station sa Pikit, Cotabato.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na sana ang biktima kasama ang kaniyang asawa sakay ng motorsiklo matapos bumili ng pagkain sa Poblacion area sa Pikit, Cotabato, na tinatayang 50 metro ang layo mula sa kanilang bahay.
Pagdating sa pinangyarihan ng krimen, binaril si Micator sa ulo ng dalawang armadong lalaki na sakay ng motorsiklo.
Sa pahayag ni Executive Director Jose Torres Jr., sinabi ng PTFOMS na dapat agarang imbestigahan ang krimen at panagutin ang mga nasa likod nito.
“We urge investigators to pursue all possible angles and ensure that those responsible are identified and brought to justice swiftly,” pahayag ng ahensya.
Dagdag pa ng PTFOMS, ang anumang karahasan laban sa mga mamamahayag ay banta hindi lamang sa press freedom kundi pati na rin sa karapatan ng publiko sa impormasyon.
“The killing of any media practitioner is a matter of serious concern…,” ayon pa sa ahensya, na nagsabing makikipag-ugnayan sila sa mga awtoridad upang masolusyunan ang kaso.















