-- Advertisements --

Tiniyak ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na iimbestigahan ang umano’y mga serye ng harassment sa mga kawani ng media sa kasagsagan ng 2025 Midterm Elections.

Ayon kay PTFoMS Executive Director Jose Torres Jr., hindi palalampasin ng task force ang mga naturang harassment na hayagang humahadlang sa press freedom at sa paggampan ng mga mamamahayag sa kanilang tungkulin.

Ang mga naturang aksyon aniya ay sumisira sa press freedom at ang mahalagang papel ng media sa halalan at sa buong democratic process.

Giit ng opisyal, hinding-hindi ito palalagpasin ng task force at maninindigan sa paghahain ng kaso laban sa mga indibidwal na mapapatunayang maglalagay sa buhay ng mga mamamahayag sa alanganin.

Hanggang kahapon, May-12, mayroong tatlong insidente ng posibleng election-related media threats ang naitala ng task force.

Kinabibilangan ito ng isang radio report sa Quezon City na umano’y nakaranas ng intimidation mula sa isang grupo habang nasa kasagsagan ng umano’y vote buying incident sa naturang lungsod

Pangalawa ay ang pagbabantang natanggap umano ng mga news crew ng isang news station sa Nueva Ecija habang ang panghuli ay ang pagbabanta umnao ng isang congressional candidate sa isang radio reporter sa Cordillera Administrative Region.

Hinikayat ni Director Torres ang publiko at mga tauhan ng media na nakaranas o nakasaksi ng mga pagbabanta o harassment, na i-dokumento at agad ipagbigay-alam ang mga natatanggap na harassment.