Matapos lumabas sa partial at unofficial count ng Comelec na nasa ika-17 puwesto siya sa senatorial race, umamin si singer-lawyer at Duterte ally Jimmy Bondoc na malabo na siyang manalo sa halalan.
Sa Facebook post nito noong Mayo 13, nanawagan si Bondoc sa kanyang mga tagasuporta na hikayatin ang gobyerno na ibalik si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Kasabay nito, hiniling din niya na huwag gipitin si Vice President Sara Duterte, na nahaharap sa impeachment trial kaugnay ng alegasyon ng korupsiyon at umano’y sabwatan para patalsikin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nakuha ni Bondoc ang mahigit 10.3 milyong boto ngunit kulang ng higit 2.6 milyon upang makapasok sa “Magic 12,” kung saan si Senador Imee Marcos ang nasa ika-12 puwesto.
Bagamat bigo, pinasalamatan ni Bondoc ang kanyang mga tagasuporta at sinabing ang eleksyon ay isang “pansamantalang laban.” Binigyang-diin niya ang pangangailangang pag-isipan nang mas malalim ang mga isyung kinakaharap ng bansa.
Si Bondoc ay dating opisyal ng PAGCOR at kilalang tagasuporta ng pamilyang Duterte.