-- Advertisements --

Balik sa normal ang buhay ng aktor at dating konsehal na si Anjo Yllana matapos mabigong mahalal bilang vice mayor ng Calamba City, Laguna sa katatapos na eleksyon noong Mayo 12, 2025.

Sa isang panayam, inamin ni Anjo ang kanyang panghihinayang sa pagkatalo, lalo na’t may malalaking plano raw siya para sa mga mamamayan ng Calamba, partikular na sa pagbibigay ng trabaho sa mga nangangailangan.

Ayon sa kanya, ikinalungkot niya ang nakita niyang kawalan ng hanapbuhay sa maraming barangay sa lungsod, kahit pa maraming kumpanya sa industrial zone ng Calamba ang nagsasagawa ng mass hiring.

Nakipag-ugnayan umano siya sa mga kompanya, karamihan ay pag-aari ng mga Hapon at Koreano, upang makapag-refer ng mga aplikante.

Handa raw sana siyang tumulong sa mga kulang sa requirements gaya ng NBI clearance, para lamang makahanap ng trabaho ang mga residente.

‘Broken-hearted ako, hindi dahil natalo ako, kundi dahil sa dami ng matutulungan ko sana kung nanalo ako,’ ani Anjo.

Dagdag pa niya, hindi umano niya kailangan ng pondo mula sa gobyerno dahil pangalan at posisyon lang daw bilang vice mayor ang kailangan para maisulong ang kanyang mga plano.

Hindi pa tiyak ni Anjo kung tatakbo siyang muli sa eleksyon sa 2028, ngunit iginiit niyang hindi niya plano ang tumakbong vice mayor.