Kumpiyansa ang Palasyo na papasa sa legal na pagsusuri ang 2026 General Appropriations Act (GAA) sa kabila ng planong pagkuwestiyon dito ng ilang mambabatas sa Korte Suprema.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro, may karapatan si Congressman Edgar Erice at iba pang mambabatas na dumulog sa Korte Suprema kung naniniwala silang may bahaging labag sa Konstitusyon ang 2026 budget, partikular ang unprogrammed fund appropriations.
Nauna nang sinabi ni Erice na pinag-aaralan na nila ang paghahain ng petisyon kahit pa nabawasan ang naturang pondo.
Maging si Congresswoman Leila de Lima ay nagpahayag ng hindi pagkakasiya sa simpleng pagbabawas lamang, dahil para sa kanila ay nananatiling unconstitutional ang unprogrammed appropriations.
Gayunman, sinabi ni Castro na matapos ang masusing pagre-review at pag-aaral ng Malacañang, nananatiling matatag ang paniniwala ng administrasyon na walang nilabag na batas ang 2026 budget.
Dagdag pa niya, handa ang administrasyon na ipagtanggol ang panukalang badyet sakaling umabot ito sa Korte Suprema.
Sinabi ni Castro na itinuturing na pinaka-malinis at pinaka-maayos na bersyon ang 2026 GAA.















