Pormal na hihilingin ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mahistrado ng International Criminal Court (ICC) na ibalik ang dating pangulo sa mga Pilipino at sa kanyang pamilya.
Sa pagharap sa hukuman, inilatag ni defense counsel Nicholas Kaufman ang magiging susunod na hakbang ng kanilang koponan bilang depensa ng dating punong ehekutibo.
Sa pag-apela sa korte, binansagan pa ng abogado si Duterte bilang Tatay Digong at ginamit ang mariing panawagan na: “Give him back to his family.”
Layunin ng manipestasyon na iparating sa ICC ang sentimyento at panig ng mga taga-suporta at pamilya ng dating pangulo sa Pilipinas.
Ang hakbang na ito ng depensa ay kasunod ng nagpapatuloy na pagdinig at paglalatag ng ebidensya ng ICC kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon sa madugong drug war ng nakaraang administrasyon.
















