Binalikan ng International Criminal Court (ICC) Office of the Prosecutor ang naging sistema ng kampanya laban sa ilegal na droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa confirmation of charges hearing ng dating pangulo, tinukoy ni Julian Nicholls, senior trial lawyer ng Office of the Prosecutor, ang malawakang pagpatay sa Davao City na ipinatupad ni Duterte bilang framework ng kaniyang drug war, matapos siyang mahalal bilang pangulo ng Pilipinas.
Nakita umano ni Duterte kung gaano kaepektibo ang kaniyang “style” sa Davao City at ginamit ito bilang political strategy upang manalo sa isang national position, kalakip ang pangakong papatayin din niya ang mga drug personalities sa bansa.
Ayon sa batikang abogado, naging malinaw kay Duterte na ang kaniyang ipinatupad na strategy ay makapag-aangat sa kaniya upang maging pangulo. Nang tuluyan siyang nahalal, tinupad niya ang pangakong pumatay ng maraming Pilipino.
Pinangunahan ito ng kaniyang binuo sa Davao na kinalaunan ay dinala sa national office—ang liquidation squad na kilala ngayon bilang Davao Death Squad (DDS).
Ayon kay Nicholls, hindi lamang ang DDS framework ang dinala ng dating pangulo sa pambansang antas; isinama rin niya ang mga personalidad na pangunahing nagpapatupad nito sa Davao City.
Ang ilan sa mga naturang personalidad, ayon sa abogado, ay napabilang na sa listahan ng mga co-perpetrator.
Ang malungkot, aniya, ay libu-libong Pilipino ang napatay sa kabuuan ng kaniyang pamumuno, at ni minsan ay hindi makikita ang dating pangulo na nagsisisi sa kaniyang ginawa. Sa halip, lalo pa niya itong ipinagmamalaki.
Samantala, para naman sa panig ng depensa, sinabi ni Atty. Alfredo Lim Jr. na naka-abanse ang Duterte side, matapos mailahad ni Nicolas Kaufman ang mabibigat nilang argumento ukol sa panig ng dating chief executive.
Sinang-ayunan din ito nina Atty. Salvador Panelo at Atty. Silvestre Bello III, kasabay ng pahayag na napolitika lang ang kaso kaya nakulong si Duterte sa hurisdiksyon ng ICC.















