Naniniwala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat ang susunod na lider ng bansa ay dapat may malalim na kaalaman o marunong sa ekonomiya.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa ginanap na ASEAN Editors and Economic Opinion Leaders Forum sa Makati.
Binigyang-diin ng Pangulo na mahalaga ang pag-unawa sa ekonomiya upang makalikha ng trabaho, makontrol ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin o ang inflation, at matiyak na may sapat na suplay ng pagkain.
Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan sa pagpapabuti ng edukasyon at serbisyong pangkalusugan upang mas maging mahusay ang mga manggagawa.
Ayon pa sa Pangulo, kailangan ang isang lider ay tunay na nagmamahal sa bansa at nakatuon sa nation-building, at hindi sa pulitika.
Dagdag niya, mahalaga ang karanasan, kredibilidad, at tiwala ng publiko sa susunod na pangulo.
Tumanggi naman si Pangulong Marcos kung sino ang posibleng kandidato sa 2028 ang kaniyang i-endorso.
Giit ng Pangulo masyado pang maaga para pag usapan ang pulitika
Hindi naman siya nagbanggit ng posibleng kahalili at sinabi na hindi pa ito ang tamang panahon para mag-endorso.
















