-- Advertisements --

Nanawagan si Davao de Oro 1st District Representative Maria Carmen Zamora sa gobyerno na dagdagan ang pondo para sa mga proyektong flood control matapos mapatunayang epektibo ang mga ito sa gitna ng malalakas na ulang dulot ng shear line sa Mindanao.

Ayon kay Rep. Zamora, malaki ang naitulong ng mga natapos na proyekto sa pagpigil ng pagbaha, lalo na sa bahagi ng Kalaw Bridge sa Agusan River sa bayan ng Monkayo. 

Aniya, dati ay isa hanggang dalawang araw lamang ng tuluy-tuloy na ulan ay agad nang lumulubog sa baha ang lugar, ngunit sa mga nagdaang pag-ulan ay hindi umapaw ang ilog sa naturang tulay.

“ We’re proud to say na yung ating mga flood control projects dito sa ating distrito ay nakatulong to control the flood,” pahayag ni Zamora.

Gayunman, inamin ng mambabatas na may ilang proyekto pa ang hindi natatapos. 

Nababahala si Zamora na maaaring maging delikado ang mga hindi pa natatapos na mga proyekto sa sandaling makaranas ng mas matinding pag-ulan ang kanilang lugar.

“ So ang kinatatakutan namin is ‘pag sobrang lakas ng ulan at may hindi natapos baka bibigay din. Kasi siyempres may portion na dun dadaan yung tubig kasimay speaces pa na bakante,” wika ni Zamora.

Binigyang-diin din ni Zamora na bagama’t may mga isyu sa ilang flood control projects sa ibang lugar sa bansa, dapat umanong kilalanin ang mga proyektong maayos na naipatupad at tunay na nakatutulong sa mga komunidad. 

Umaasa siyang mabibigyan ito ng sapat na suporta sa susunod na pagtalakay ng pambansang badyet.

Samantala, sa ulat ng Mindanao Lens na pinamagatang “If Flood Control Isn’t a Ghost,” itinampok ang mga flood mitigation project sa distrito ni Zamora bilang halimbawa ng maayos na imprastrakturang nagbibigay ng konkretong resulta.

Ayon sa mga residente, kapansin-pansin ang pagbabago sa nagdaang malalakas na ulan dahil mas mabagal ang pagtaas ng tubig at nagkaroon sila ng sapat na oras upang makapaghanda.

Para naman sa mga lokal na opisyal, patunay ito na kapag maayos ang pagdidisenyo, pagpopondo, at pagpapatupad ng flood control projects, tunay na napoprotektahan ang mga komunidad laban sa sakuna.