Inihayag ni Manila Rep. Joel Chua na posibleng makaharap sa election offense si VP Sara Duterte kung mapatutunayang tumanggap ang kanyang 2022 campaign ng pondo mula sa mga Chinese nationals na may kaugnayan sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ipinaliwanag ni Chua na ipinagbabawal ng Omnibus Election Code ang pagtanggap ng kontribusyon mula sa mga dayuhan, at kung mapapatunayan ito, maaari itong ituring na “culpable violation of the Constitution” at posibleng maging impeachable offense.
Nag-ugat ang alegasyon sa pahayag ni Ramil Madriaga, na nagsabing tumanggap umano siya ng milyun-milyong piso mula kina Pharmally financial officer Lin Weixiong and businessmen Maestrado Lim o mas kilalang Tony Yang para sa kampanya ni Duterte, na idinaan umano sa isang non-profit group.
Binigyang-diin ni Rep Chua na kailangang malinaw kung ang mga pondong ito ay naideklara sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE), habang nananatiling bukas ang House Committee on Justice sa pagtanggap ng panig ng bise presidente, na hindi pa dumadalo sa mga pagdinig. (report by Bombo Jai )
















