Tiniyak ng Department of Justice na magiging patas ang paghawak ng prosekusyon sa mga reklamong isinampa ng Securities and Exchange Commission laban sa pamilya Villar at kumpanya.
Ito mismo ang binigyang diin ni Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong, ang lead prosecutor sa panel na nakatalagang tumutok ukol sa mga reklamo.
Makakaasa umano aniya na ‘fair’ at balanse ang imbestigasyon at pagsusuri ng ‘panel of prosecutors’ hinggil sa mga reklamong inihain kontra sa mga Villar.
Giit niya’y kahit pa mayroon masaktan sa magiging resolusyon ilalabas ay hindi nito maiimpluwensyahan ang kung anong nasa tama o mali.
Kung kaya’y ayon kay Prosecutor Ong, walang makapagdidikta sa kanya magalit pa umano ang ilan sa magiging desisyon ng prosekusyon sa mga reklamo.
Paglilinaw naman ni Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong na na-exaggerate lamang nito ang katagang sinabi na ‘magalit man ang nasa taas’.
Paliwanag nito’y nais lamang niyang maibahagi na walang impluwensiya o utos mula sa labas ang kanilang ikinukunsidera o miski sinusunod sa paghawak ng kaso.
Bunsod nito’y makatitiyak umano na kanilang paninindigan ang anuman kalalabasan ng imbestigasyon at magiging resolusyon ng prosekusyon.
Ngunit kung aniya’y mayroon pagkakamali man, aminado at handa raw ang naturang piskal na balikan ito upang isailalim muli sa pagsusuri.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang kampo ng mga Villar sa prosekusyon at sinabing makaseseguro umano na patuloy ang pakikipagtulungan ani Atty. Robel Lomibao, abogado ng pamilya.
Nahaharap sina former Senators Manny at Cynthia Villar, Senators Mark at Camille Villar, Villar Land Holdings and Corporation at iba pa sa reklamong market manipulatuon, insider trading at misleading disclosures, isinampa ng Securities and Exchange Commission.














