-- Advertisements --

Mariing binalaan ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang buong pwersa ng pulisya na panatilihin ang mataas na antas ng propesyonalismo at magsilbing ehemplo sa publiko, kasunod ng kinasangkutang kontrobersya ng isang sasakyan ng gobyerno.

Ang naging direktiba ng hepe ng pambansang pulisya ay bunsod ng pagkalat ng isang video na kumalat online noong nakaraang linggo.

Dito, makikita ang isang PNP coaster na bumangga sa isang pampasaherong bus sa loob ng eksklusibong EDSA Carousel lane sa bahagi ng Main Avenue sa Quezon City.

Sa kaniyang naging mensahe sa flag-raising ceremony sa Kampo Crame, diretsahang tinawag ni Nartatez na hindi katanggap-tanggap ang naging estado ng disiplina na ipinamalas ng mga pulis sa naturang insidente.

Nilinaw ng opisyal na ang mahigpit na pagpapatupad ng panloob na mga patakaran ay hindi idinisenyo upang basta na lamang magparusa ng mga miyembro ng kapulisan.

Paliwanag ng PNP Chief, bahagi ang disiplina ng mas malawak na proseso upang maitama ang maling gawi ng mga tauhan at magbigay ng tamang gabay.

Binigyang-diin niya na ang hakbang na ito ay mahalaga upang maprotektahan at mapanatili ang dangal gayundin ang integridad ng mga tagapagpatupad ng batas, na inaasahang mangunguna sa pagsunod sa mga umiiral na regulasyon at batas trapiko.