-- Advertisements --

Itinutulak sa National Food Authority (NFA) ang pababago sa guidelines ng rice auction o pagpapasubasta sa mga NFA rice.

Nais ng ahensiya na aprubahan ng NFC Council ang panukala nitong maibaba ang kasalukuyang 5,000 bags patungong 3,000 bags na limit sa mga bulto ng bigas na ipinasusubasta.

Ayon kay NFA Administrator Dr. Larry Lacson, layon ng panukala na makasali pa ang mas maraming kooperatiba at retailers sa rice auction.

Katwiran ng opisyal, inirereklamo ng ilang kooperatiba ang mataas na minimum limit dahil hindi nila ito kayang abutin, dala ng limitadong financial capacity ng mga naturang kooperatiba at asosasyon.

Maliban sa mga kooperatiba, nagpahayag din ng suporta aniya ang maraming traders mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa sa panukalang ibaba ang minimum limit.

Sa kasalukuyan, wala pa aniyang desisyon ang konseho ukol sa panukala ngunit nauna na itong naipanukala ng NFA.

Ang NFA Council ay binubuo ng NFA Administrator, Secretary of Finance (DOF), Secretary of Trade and Industry (DTI), kalihim ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), Governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Kinatawan ng Office of the President (OP), atbpa.

Nagsisilbing chairperson ng konseho ang Secretary of Agriculture (DA).