-- Advertisements --

Bumuwelta ang kampo ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na iligal ang pagkumpiska sa mga mamahaling sasakyan na konektado sa dating mambabatas.

Ayon sa abogado ni Co na si Atty. Ruy Rondain, bigong magpakita ang mga awtoridad ng anumang legal na dokumento para sa pagsasagawa ng naturang operasyon nang tanungin niya kung mayroong search warrant ang mga ito. Kinumpiska din umano ang mga susi ng nasa 34 na sasakyan.

Sinabi rin umano ng mga awtoridad na meron silang natanggap na alarma mula sa Land Transportation Office (LTO), na nangangahulugang hot car o kinarnap ang mga sasakyan. Dito, tinanong ng abogado kung sino ang nagreklamo dahil hindi naman nagereklamo ang may-ari. Ang naging sagot umano sa kaniya ay ginagawa lamang nila ang iniutos sa kanila.

Iginiit naman ni Atty. Rondain na hindi maaaring i-justify ang iligal na operasyon sa pamamagitan ng subsequent warrant of seizure.

Saad pa ng abogado, tinakot at pagkatapos ay idinetine umano ang driver ng kaniyang kliyente sa loob ng mahigit 12 oras.

Kaugnay nito, sinabi ng abogado ni Co na maghahain sila ng kaso laban sa mga personalidad na sangkot sa pagkumpiska ng mga sasakyan at nagkulong sa mga driver ng walang warrant.

Matatandaan, nitong Huwebes ng gabi, dinala ng PNP, BOC at Southern Police District ang 12 mamahaling sasakyang konektado kay Co sa compound ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Kung saan walo dito ay saklaw ng seizure warrant habang ang nalalabi naman ay kinumpiska dahil sa alarma mula sa LTO.