-- Advertisements --

Nagbabala ng patong-patong na kaso kabilang ang cyberlibel at copyright infringement ang isang mamamahayag mula sa Davao City laban sa isang prosecutor ng International Criminal Court (ICC) kung hindi ito maglalabas ng pampublikong paghingi ng tawad.

Sa kanyang Affidavit of Denial na may petsang Pebrero 26, kinondena ni Ben Jason Tesiorna ang pagpresenta ni ICC Prosecutor Julian Nicholls sa isang CCTV video sa naganap na Confirmation of Charges laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Iginiit ni Tesiorna na siya ang kumuha ng nasabing video noong Disyembre 19, 2013, sa isang media showcase ng Central 911 sa Davao City, at wala siyang ibinigay na pahintulot upang i-broadcast ito.

Inakusahan ng mamamahayag si Nicholls ng misrepresentation at illegal tampering dahil nilagyan umano ng English subtitles ang video para palabasin na konektado ito sa extra-judicial killing (EJK).

Nilinaw ni Tesiorna na ang ipinakitang insidente sa CCTV ay playback lamang ng nakaraang krimen at hindi nangyayari nang real-time, kaya walang rumesponde sa mga opisyal na nanonood noon.

Inatasan rin nito ang ICC Pre Trial I na atasan ang ICC Prosecutor na mag isyu ng public apology dahil sa umano’y misrepresentation at alisin ang naturang video sa court registry o records.

Binigyan ni Tesiorna ang ICC prosecutor ng hanggang Biyernes, Pebrero 27, upang maglabas ng Public Apology bago niya ituloy ang mga bantang reklamo.